HomeKulturaMga TulaDakilang Ina

Dakilang Ina

  • PDF
  • Print
  • E-mail

Alay sa lahat ng ina
Ka Elmo (Migrante Austria)
10/31/10

 

Inang nagluwal ng anak
Sa mundong walang katiyakan
At pag-asang naghihintay
Minamatyagan ang paggapang
Hanggang sa matutong humakbang
Nawala ang hirap at pagod
Sa mga unang salitang naibigkas
Ang katagang Nanay at Tatay
Natutuwa ka habang minamasdan
Ang anak at natutong bumilang
Ngiting walang humpay
Sa unang letrang naisulat
Sa kapirasong papel
Saksi ang gasera
Na naging tanglaw
Sa pangarap na ninanais
Para sa anak

 

Tilaok ng manok ang syang palatandaan
Hudyat sa paghanda ng almusal
Umuusok na kanin at kapirasong daing
Na binalot sa dahon ng saging
Ang pabaon sa anak
Pananghalian sa eskwelahan
Kulimlim ng umaga at sa masukal talahiban
Bundok, kapatagan at ilog ang tinatawid
Patungo sa karatig baryo ang nilalakbay
Sa paghatid ng unang araw sa elementarya
Ginabayan at tinuro ang tamang daan
Sa pag uwi sa kubong pinagtagpi tagping kugon

 

Bago sumilay ang araw sa silangan
Nasa uma at hawak ang karit at asarol
Hinahawan ang damo at nag-iigib ng tubig
Sa sapa upang idilig sa gulayan na pananim
Ingat na pinipitas ang mga gulay at prutas
Na bunga ng pinaghirapan sa bukid
Sa umaga, sigaw mo’y nakakatawag pansin
Sa mga inang nag-aabang sa gulay
Na nilalako mo sa kabayanan
Bilang pagtuwang sa pagkayod sa asawa
Na ina-alipin ng mga panginoong may lupa

 

Baryang kinikita sa paglalako 
Iniipon pampa-aral sa anak sa hayskul
Pambayad sa tulugan ng anak
Hinahatiran ng bigas, gulay ,daing
At baryang panggastos

 

Sa tuwing ikaw ay nag-iisa
Hindi mawalay sa pag-iisip
At bumabalik sa ala-ala
Ang anak na nakakawala ng pagod
Sa tuwing natunghayan at nilalambing
Pilit na pinipigilan
Ang paglubog ng araw
Nang hindi mapabilis
Ang panibagong sikat nito
Binabantayan sa pagtulog
Nang lamok at gamu-gamo
Ay hindi makadapo

 

Sarili ay tinatanong
Bakit kailangan dumating
Ang panahon na lumaki
At mahiwalay sa magulang?

 

Isang araw ay may balitang
Naka-abot sa iyong kaalaman
At tila ang mundo mo’y nagunaw
Dinukot ng armadong kalalakihan
Ang iyong anak galing sa eskwela
Kaba at takot ang nangingibabaw
Agad na pinuntahan
Bahay na tinutuluyan ng anak
At isa isang binuklat ang gamit
Nakita mo ang isang larawan
Ninyong mag-ina habang sinasabit
Ang medalya sa dibdib
Tanda ng katalinuhan, kasipagan
Karangalan at pagmamahal sa bayan
Luha ay di mapigilan
At sarili ay tinatanong
Bakit siya dinukot?

 

Araw at gabi, walang kapaguran
Sinuyod ang mga baryo at bayan
Sa presinto ng pulis
At kampo ng militar
Dala dala ang larawan ng anak
Tinatanong ang bawat nakasalubong

 

Balisang balisa sa mangyayari sa anak
Sa kamay ng mga berdugo
Sinisigaw ang pangalan
Ilitaw at huwag pahihirapan
Respetuhin ang karapatang pantao.

 

Lingo, buwan at taon ang nagdaan
Hindi pa rin natatagpuan ang anak
Pananabik na muling masulyapan
At mayakap sya
Na tanging pag-asa
Sa pangarap na makatapos
At makapaglingkod sa bayan

 

Ang dati rati’y nasa bahay lamang
At sa bukid na ginagalawan
Ngayon ay nasa lansangan na
Kasama ng iba pang magulang
Kamag-aral, kamag-anak
Mga kasama at mamamayan
Na nanawagan ng katarungan
Para sa lahat ng biktima
At nagsusulong ng pakikibaka
Para sa pambansang demokrasya 

 

       

 


 

Search

migranteFlyer

There is no form with this name
Facebook Image

Fabook Like